Suportado ng National Security Council (NSC) ang panawagan ni Defense chief Gilbert Teodoro para sa expulsion o paalisin ang Chinese embassy personnel na responsable sa likod ng umano’y recording ng new model deal sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa isang statement, sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na dapat agad na mapaalis sa bansa ang mga indibidwal sa Chinese Embassy na responsable sa paglabag sa batas ng Pilipinas at Vienna Convention on Diplomatic Relations at ang mga responsable sa naturang masamang impluwensiya at panghihimasok sa mga operasyon.
Naniniwala din ang NSC official na nakagawa ng seryosong paglabag sa diplomatikong protocols at conventions gayundin lumabag sa Anti-Wire Tapping Act ang mga nasa likod ng naturang recording.
Aniya, ang pag-bypass sa official at long established channels at protocols, pakikipag-usap sa mga opisyal nang wala ang mga kailangang awtoridad at malisyosong alegasyon pinasok umano ng gobyerno ng PH ang naturang pag-uusap ay nakakatawa, hangal at reckless.
Pinuna din ng NSC official ang Chinese Embassy sa pagpapakalat nito ng maling impormasyon at sinabing hindi dapat na palipasan ito nang hindi napapatawan ng sanction o seryosong parusa.