Pinaalalahanan ng National Privacy Commission (NPC) ang mga business establishments na siguraduhing nakokolekta nila ng tama ang impormasyon ng mga customer para sa contact tracing efforts sa COVID-19.
Sa isang panayam sinabi ni Privacy commissioner Raymund Liboro na may responsibilidad ang mga customer sa pagbibigay ng tamang impormasyon bilang proteksyon na rin sa mga nasabing establisyemento.
Kaakibat din daw nito ang pagiging transparent dapat ng mga establisyemento sa customers, kung para saan ang kinukuhang impormasyon.
Mula nang magluwag ang community quarantine sa ilang lugar, ilang establisyemento na rin tulad ng restaurants, pagupitan at mga bangko ang nanghihingi ng impormasyon sa customers para sa contact tracing.
Kadalasan nilang kinukuha na datos ang pangalan, address, contact number at temperatura ng customers.
Binalaan naman ng opisyal ang business establishments na hindi pwedeng gamitin sa ibang rason ang makukuhang datos ng mga customer, tulad ng pagsasali sa marketing list.
Ayon kay Liboro may karampatang parusa ang repurposing ng mga personal na impormasyon.