LAOAG CITY – Idadaan sa motu propio investigation ang mga kasapi ng PNP Laoag matapos ang nangyaring pagbaril sa subject ng buybust operation na sinasabing nanlaban sa mga otoridad.

-- Advertisement --

Isinagawa ang drug buybust operation sa Brgy. Pila sa Laoag kagabi at ang subject ay si Andrew Ventura alyas Andy na residente ng nasabing lugar.

Ayon kay Police Lt. Col. Amador Quiocho, hepe ng PNP Laoag, nangyari ang palitan ng putok matapos ang transaksiyon dahil nakatunog ang suspek.

Una nang narekober sa lugar ang anim na sachet ng iligal na droga at P1,000 na marked money at iba pa.

Kinumpirma pa ni Quiocho na dating sangkot sa pagnanakaw ang suspek dahil nilooban nito ang isang kasapi ng PNP Laoag at natangay ang baril na kalibre 45.

Lumalabas na bumunot ang suspek ng kalibre 45 na baril at binaril ang pulis na si Police Master Sgt. Lawrence Ganir ngunit nakaganti ito ng putok na dahilan ng pagkamatay ng suspek.

Dagdag ni Quiocho, ang napatay na suspek ay isa sa mga delikadong drug personality sa lungsod ng Laoag.