Muling inilunsad ng North Korea ang 5,000-toneladang warship nitong Huwebes, dalawang linggo matapos itong tumagilid sa unang pagtatangka.
Maaalalang ang insidente ay tinawag ni North Korean leader Kim Jong Un bilang “criminal act” na nagdulot ng kahihiyan sa bansa.
Ayon sa state-run news agency, naibalik na sa balance ang barko at kasalukuyang nakadaong sa isang pier. Inaasahang tuluyang maibabalik ang buong kondisyon ng barko bago ang gagawing meeting ng ruling party ngayong buwan.
Samantala, sa gitna ng matinding galit ni Kim, inaresto ang hindi bababa sa apat na opisyal, kabilang si Ri Hyong-son, deputy director ng Munitions Industry Department. Nabatid na si Ri ay miyembro rin ng Central Military Commission ng partido, na siyang nangangasiwa sa Korean People’s Army.
Hindi malinaw kung anong parusa ang haharapin ng mga opisyal, ngunit kilala ang North Korea sa pagbibigay ng mabibigat na parusa gaya ng forced labor o maging ang parusang kamatayan.
Ipinakita sa satellite images na manu-manong proseso ang ginamit upang maiayos ang barko, kabilang ang paghila gamit ang mga lubid at barrage balloons.
Ayon sa mga political analyst, seryoso ang rehimen ni Kim a tugunan ang pagpapalakas ng kanilang militar, partikular na ang modernisasyon ng kanilang hukbong-dagat. Ilang linggo bago ang inidente, nagpakita rin ang North Korea ng katulad na warship na tinawag ni Kim na isang makasaysayang tagumpay.