Nakatakda nang pairalin ng Presidential Security Group (PSG) ang “no touch policy” kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni PSG commander Col. Jesus Durante III, ito ang napagkasunduan sa emergency contingency meeting kagabi sa Malakanyang bilang tugon sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Ayon kay Durante, sino mang personalidad, dignitaries o mga politiko, pati na ang mga PSG personnel na lalapit kay Pangulong Duterte, ay sasailalim sa matinding screening at testing sa anumang uri ng sakit na may kaugnayan sa COVID-19.

Patuloy naman aniyang ia-assess ng PSG ang mga pagtitipon kung saan magsisilbing guest of honor at speaker si Pangulong Duterte at kakanselahin kung may pangangailangan para matiyak ang kaligtasan ng punong ehekutibo pati na ang mga attendees.

Inihayag ni Durante, mahigpit ding babantayan ng PSG ang First Family.

Dagdag nito na asahang magpapatuloy ang heath protocols at preventive measures sa buong Malacanang Complex kung saan sumasailalim sa thermal scanner ang sinumang pumapasok at pinapa-fill-up ng health declaration form.