-- Advertisements --

Inaasahang darating sa bansa sa susunod na buwan ang new generation Moderna Bivalent vaccine.

Kaya naman hinikayat ng isang health reform advocate ang gobyerno na maghanda para sa agarang pagrolyo ng naturang mga bakuna sa mga rural areas na may mataas na kaso at mababang antas ng pagbabakuna kontra covid-19.

Ayon kay Dr. Tony Leachon, dapat na tularan ng bansa ang stratehiya ng Singapore na sinimulan na ang pagbabakuna ng bivalent Moderna o Spikevax vaccine para sa partikular na sektor ngayong buwan.

Ang Singapore kasi ang isa sa mga bansa na nakapagtala ng panibaging surge ng covid-19 dahil ito sa immune evasive na Omicron subvariant XBB na nakapasok na rin dito sa Pilipinas.

Ang mga pasyente na dinapuan ng nasabing subvariant sa bansa ay mula sa Western Visayas at Davao Region.

Sa ngayon kasalukuyan pang nakikipag-usap ang gobyerno sa manufacturers ng bivalent vaccines na sinasabing nakakapagbigay ng immunity mula sa bagong variants.

Ipinunto naman ni Dr. Leachon ang pangangailangan ng pagbili ng bivalent vaccine sa lalong madaling panahon lalo na matapos na kumpirmahin ng Moderna na ang new generation vaccines ay magiging available na sa Nobiyembre.

Dapat din aniya na ikonsidera ng pamahalaan ang pagpapatupad ng multiple express lanes para sa mas mabilis na distribusyon ng bivalent vaccines kasama ang malalaking pharmacy chains, hospitals at medical community.