nets sixers
Photo courtesy of NBA

Binuksan ng Brooklyn Nets ang 2019 NBA Playoffs sa pagkuha ng impresibong 111-102 panalo kontra sa third-seeded na Philadelphia 76ers sa Wells Fargo Center.

Nagsanib-puwersa ang trio nina D’Angelo Russell, Spencer Dinwiddie at Caris LeVert upang maitakas ng Nets ang buwena manong panalo matapos makagawa ng pinagsamang 67 points.

Kinuha ng sixth-seeded na Nets ang 17-point lead sa second quarter, na naging mitsa upang hindi na sila maisahan ng home team.

Natapyasan ng Sixers ang abanse ng Brooklyn sa dalawang puntos matapos ang halftime, ngunit tumugon ang Nets na itinala ang 11-point lead sa pagpasok ng fourth quarter.

Napalawig pa nang husto ng Brooklyn sa 16 points ang kanilang agwat, at sinigurong hindi na makakaporma ang Sixers.

Pinamunuan ni Russell ang Nets sa kanyang 26 points, samantalang may 23 si LeVert at Dinwiddie 18.

Hindi naman nagbunga ang 36 points ni Jimmy Butler para sa Sixers, na paboritong makausad sa East semis.

Idaraos muli sa Philadelphia ang Game 2 na gaganapin sa Martes.