LEGAZPI CITY – Inuulan ng batikos ang isang baguhang congressman matapos na kumalat sa social media ang video ng umano’y pananakit nito sa isang crew ng food chain sa Legazpi City.

Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) camera ng establisyemento, makikita ang apat na lalaking nakaupo sa isang mesa na mistulang naglalaro.

Kinilala ang mga itong sina Kim Lawrenz Castillo, Joseph Wendell Morasa at ang sinasabing si Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos, habang hindi nakilala ang isa pang kasama.

Ilang segundo lamang ang lumipas nang lumapit ang naka-asul na crew ng food chain sa naturang mga lalaki upang maglagay ng place mats.

Paalis na sana ito nang tila tinawag pa ng kongresista at walang ano-ano’y sinuntok sa mukha kaya’t makikitang natabig pa ang suot nitong sombrero.

-- Advertisement --

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Legazpi City-Philippine National Police, nagpa-record sa pulisya ang crew na kinilalang si Christian Kent Alejo, 20-anyos, hinggil sa insidente at nakasaad na inabisuhan din umano itong magtungo sa criminal investigation section subalit tumanggi na.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang panig ng kongresista sa insidente.