CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang negosyante sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Vanessa Lumawig Mariano, 30, dalaga, vendor at nakatira sa Lozare boarding house Don Mariano St., Barangay Poblacion, Antipas, North Cotabato.

Ayon kay Antipas chief of police, Lt. Col. John Miridel Calinga, nakatayo lamang ang biktima sa harap ng isang tindahan sa Brgy Poblacion sa bayan ng Antipas nang biglang lapitan ng hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang salarin at sumakay ng motorsiklo sa naghihintay nitong kasama sa gilid ng kalsada.

Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng isang tama ng bala sa kanyang ulo.

Hindi naman namukhaan ang mga suspek na pawang naka-facemask at nakasombrero.

Sa ngayon ay blangko pa ang Antipas PNP sa pagpaslang sa biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.