LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang isang negosyante matapos na makunan ng iligal na droga at mga armas sa isinagawang search warrant operation ng mga otoridad sa barangay Gilotongan, Cawayan, Masbate.

Kinilala ang nahuling suspek na si Joel Villaganas, 40-anyos, na residente ng naturang barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Major Jerry Sireno, hepe ng Cawayan PNP, matagal na umanong nakakatanggap ng mga reklamo ang otoridad laban sa suspek na itinuturong supplier ng iligal na droga sa mga mangingisda.

Nang makakuha na ng search warrant ang mga otoridad agad na isinagawa ang operasyon sa bahay ng suspek kung saan narekober ang isang sachet ng pinaniniwalaang iligal na droga, isang caliber 45 baril at mga bala.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Advertisement --