DAGUPAN CITY – Sugatan ang isang negosyante at estudyante matapos na mamaril ang isang senior citizen na magsasaka sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.

Kinilala ang suspek na si Eduardo Molina, 61, residente ng Brgy. Gumot sa kaparehong bayan.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng otoridad na habang nakikipag-inuman ang suspek sa dalawang biktima na nakilalang si Roberto Casipit, 37, na negosyante at residente ng Inmalog Norte at 16-anyos na estudyante na si John Kenneth Madiola na residente ng Brgy Gumot sa nasabing bayan nang pinaputok ng suspek ang kaniyang baril na caliber .357 revolver sa mga nabanggit na biktima.

Nagtamo ng tama sa kaliwang paa ang biktimang si Roberto Casipit habang tama sa kaliwang parte ng bewang ang tinamo ng isa pang biktima na si John kenneth Mendiola.

Agad na isinugod ang dalawang biktima sa pagamutan habang ang suspek ay inaresto ng mga otoridad.

Narekober ang ginamit nitong baril sa pinangyarihan ng krimen.