Nagpapatuloy ang pakikipag-negosasyon ng Pilipinas para sa request nito sa COVAX facility para sa 2 million doses ng bivalent covid-19 vaccines ayon sa Department of Health (DOH).
Kabilang sa ilang pinapakiusap ng bansa ang requisite documents at legal requirements na lalagdaan at isusumite ng gobyerno ng Pilipinas dahil ito ang unang pagkakataon muli na makakatanggap ang bansa ng mga bakuna mula sa COVAX facility matapos na magpaso ang Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 kasunod ng pagtatapos ng deklarasyon ng COVID-19 state of calamity sa bansa sa ilalim ng Duterte administration.
Sa oras aniya na nakumpleto na ang naturang mga dokumento at naisumite na, susunod dito ang approval sa alokasyon ng COVAX saka sisimulan ang pagpapadala sa bansa.
Una ng nakatanggap ang bansang nasa 390,000 bivalent vaccines noong Hunyo 3 na donasyon ng gobyerno ng Lithuania.
Sinimulan na rin kahapon ang pagbabakuna ng bivalent bilang ikatlong booster shots para sa healthcare workers at senior citizen.
Nakatakdang magpaso ang naturang bivalent vaccines sa Nobiyembre ng kasalukuyang taon.