Maaring sa Disyembre 30, 2020 o bago pa man sumapit ang araw na ito magsisimula ang negosasyon para sa posibleng coronavirus vaccine supply deal sa American biotechnology company na Moderna.
Ayon kay Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin, mismong si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang siyang mangunguna sa negosasyon sa Moderna sa susunod na linggo.
Tumutulong din aniya sa negosasyon si Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez.
Nauna nang nakatanggap ng emergency use authorization (EUA) mula sa US Food and Drugs Administration ang coronavirus vaccine ng Moderna.
Sa pamamagitan nito ay maari nang makapag-apply ang pharmaceutical firm para sa EUA naman sa Pilipinas.
Mababatid na nauna na ring lumagda sa isang supply agreement ang gobyerno ng Pilipinas at mga private companies sa British drugmaker AztraZeneca para sa nasa 2 million doses ng kanilang bakuna.
Bukod sa AztraZeneca, tinitingnan din ng pamahalaan ang bakuna mula sa Sinovac Biotech ng China, Gamaleya Research Institute ng Russia, at Pfizer ng United States.









