VIGAN CITY – Nagpaliwanag ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa mabagal umanong confirmation sa eksaktong bilang ng mga casualty na iniwan ng Bagyo Ursula.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC- Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal na hindi naman umano mabagal ang confirmation sa bilang ng mga casualty dahil sa bagyo ngunit binibigyan lamang umano nila ng pagkakataon ang mga rescuers na nasa ground na siguruhin na nailigtas nila ang lahat ng mga residenteng naipit sa mga lugar na malubhang sinalanta ng bagyo.

Idinagdag pa nito na hindi lamang iisang ahensya ang kanilang tinitingnan hinggil sa verification ng bilang ng mga casualty dahil tinitingnan din umano nila ang records ng mga local government unit, mga police reports at records ng mga ospital kung saan dinala ang mga pasyente.

Aniya, sa pamamagitan din umano ng mga nasabing hakbang ay masisiguro na ang kanilang pagkamatay o dahilan ng kanilang pagkakasugat ay dahil sa bagyo.