Lalo pang palalakasin ng Aviation Security Group (AVSEGROUP) ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang seguridad sa lahat ng mga paliparan sa bansa.

Ayon kay bagong talagang PNP-AVSEGROUP director C/Supt. Dionardo Carlos, ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga manlalakbay.

Kaniya rin daw tututukan ang problema sa terorismo, illegal drugs at korupsiyon, na pangunahing kampanya ng PNP at ng pamahalaan.

Ngayong araw nag-assume sa kaniyang bagong puwesto si Carlos kapalit ni C/Supt. Sheldon Jacaban na magreretiro na sa serbisyo.

Binigyang-diin ni Carlos na ang kaniyang pag-upo bilang director ng PNP-AVSEGROUP ay malaking hamon.

Pero siniguro nito sa publiko na pahuhusayin pa nito ang serbisyo ng PNP sa lahat ng mga paliparan sa buong bansa.

Samantala, kinumpirma ni PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na si Pol. S/Supt. John Bulalacao ang papalit sa puwesto ni Carlos bilang spokesperson ng PNP.

Si Bulalacao ang deputy regional director for Operations ng National Capital Region Police Office.

Kapwa miyembro ng Philippine Military Academy Class 1988 sina Carlos at Bulalacao.