Mariing itinanggi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief B/Gen. Vicente Danao Jr., ang alegasyon ng mga kaibigan ng namatay na flight attendant na si Christine Angelica Dacera na sila ay pinuwersa at binugbog ng mga pulis ng Makati para magbigay ng hindi totoong impormasyon lalo na sa umano’y mayroong illegal drugs sa isinagawang party sa isang hotel sa Makati.

Sa panayam kay Danao, sinabi nito na kaliwa’t kanan ang panayam ng mga ito sa media at wala sila ni minsan na binanggit na sila ay pinuwersa at binugbog ng mga pulis Makati.

Wala rin ideya si Danao kung bakit ganito ang mga alegasyon ng kaibigan ni Christine dahil ang mga ito lang ang nakakaalam sa kanilang motibo.

Aniya, sa panig ng Makati City Police mariin nilang itinanggi na sila ay binugbog at pinuwersa para gumawa ng hindi totoong impormasyon.

Inamin ni JP dela Serna at Rommel Galido na sila ay nagsinungaling tungkol sa isa nilang kaibigan na si Mark Anthony Rosales na umano’y siyang may hawak ng illegal drugs nuong kasagsagan ng party.

Binawi din ni Galido ang kaniyang pahayag na inireklamo sa kaniya ni Christine na nilagyan ng droga ni Rosales ang kaniyang inumin.

Inihayag ni Danao maaring sampahan ng kasong perjury ang mga ito na umanin na nagsinungaling.

AYon kay Danao sa ngayon patuloy na kumakalap ng ebidensiya ang Makati police kaugnay sa insidente.

Itinakda naman ng prosecutor’s office ang muling pagdinig sa January 27.

Sa ngayon kasi hinihintay pa ng mga police investigators ang resulta ng forensic tests na isinagawa muli sa katawan ni Dacera gaya ng DNA analysis, toxicology/chemical analysis, histopathology examination at laboratory results.