-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ng Bureau of Corrections (BuCor) na dahil sa public interest ay magiging transparent na sila sa pagpapalabas ng pangalan ng mga namatay sa loob ng mga piitan.

Kasunod na rin ito ng pagkamatay ng 9 na high profile inmate na kinabibilangan ni Jaybee Sebastian na tumestigo noon laban kay Sen. Leila de Lima dahil sa paglagapan raw ng droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ayon kay BuCor Spokesperson Gabby Chaclag, wala naman daw umanong tinatago o inililihim ang BuCor at sa katunayan ay handa silang makipag-ugnayan sa NBI sa isinasagawa nilang imbestigasyon.

Aniya, ibibigay daw nila sa NBI ang mga dokumentong kailangan nila para lumabas ang katotohanan.

Sa iyu ng cremation, sinabi ni Chaclag na umaabot sa P55,000 ang presyo ng bawat isang iki-cremate kaya naman ay naghanap sila ng mas murang crematorium kung saan nila dinadala ang bangkay ng mga inmate na namamatay sa coronavirus.

Labis namang ikinalungkot ni NBP Dr. Henry Fabro ang mga lumabas na balitang duda ang ilan sa pagkamatay ng mga inmate sa loob ng pambansang piitan.

Aniya, sobrang hirap daw ng trabaho nila at itinataya ng kanilang mga tauhan na dalhin ang mga bangkay ng mga biktimang tinamaan ng covid sa mga crematorium pero masakit sa kanilang mayroon pa ring pagdududa ag publiko sa kanilang pagtatrabaho.