Reading Time: 1 minute

GENERAL SANTOS CITY – May sariling folder na ang National Bureau of Investigation-Sarangani District Office (NBI-SARDO) para sa complaints kontra sa Kapa Community Ministry International Inc.

Ito’y matapos kumpirmahin ni Atty. Regner Pineza ng NBI-SARDO na may mga complainant na silang nakalap laban sa KAPA na pinamumunuan ni Joel Apolinario.

Tumanggi itong pangalanan ang mga ito subalit ayon dito, ang nais ng mga reklamante na mabawi ang kanilang pera na in-invest sa naturang grupo.

Una nang iginiit ng KAPA na hindi sila scam ngunit umaasa pa rin ang mga miyembro nito na bumalik sa normal ang operasyon ng KAPA matapos na ilang araw nang walang “pay-out” kasunod ng closure order ni Pangulong Rodrigo Duterte simula noong nakaraang linggo.

Sinundan naman ito ng agarang pag-freeze ng lahat ng bank accounts ni Apolinario pati ang mga natukoy na mga ari-arian nito.

Una rito, iilan na ring KAPA members ang dumulog sa Bombo Radyo nitong araw upang humingi ng tulong paano mababawi ang pinaghirapang pera.