Navy Empedrad
Flag Officer In Command, Philippine Navy (FOIC, PN) Vice Adm. Robert Empedrad

Itinanggi ni Philippine Navy chief VADM (Vice Admiral) Robert Empedrad na dahil sa hindi pagkakaunawaan nila ng kaniyang mistah na si Philippine Marine commandant M/Gen. Alvin Parreño kaya bumaba ito sa kaniyang puwesto.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Empedrad, kaniyang sinabi nagkausap na sila ni Parreño at nagkalinawan kaya hindi na ito mag-a-avail ng early retirement bagkus ay mananatili muna sa serbisyo hanggang sa araw ng kaniyang retirement sa March 2020.

Pinabulaanan din ni Parreño ang alok na puwesto bilang vice chief ng Philippine Navy, ang pangalawang highest post.

Si Empedrad at Parreño ay kapwa miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1986 at mistah ni Philippine National Police chief Oscar Albayalde at Sen. Ronald Dela Rosa.

Nilinaw naman ni Empedrad na ang pagbaba sa puwesto ni Parreño ay para bigyang-daan ang mga junior officers na makapagsilbi.

Pinasinungalingan pa ni Empedrad ang isyu na pinipigilan niyang magkaroon ng ranggong Lt. General sa Philippine Marines.

Si M/Gen. Nathaniel Casem ng PMA Class of 1987 ang mag-a-assume ngayong araw bilang bagong commandant ng Philippine Marines.

Samantala, malamig umano si Empedrad sa planong gawing isang major service ng Armed Forces of the Philippines ang Philippine Marines.

Aminado si Empedrad na nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan ni Parreño dahil sa nasabing isyu subalit kanila na itong naayos at napagdesisyunan na rin ng higher leadership na hindi ihihiwalay sa navy ang marines.

Ayon kay, Empedrad na nagkasundo sila ni Parreño na imbes ihiwalay sa navy ang marines ay magiging key budgetary unit ang Philippine Marines na ang ibig sabihin ay sila na ang hahawak sa kanilang pondo.