US
-- Advertisements --

Hindi nabanggit ang Pilipinas maging ang alyansa nito sa Estados Unidos sa inilabas na Interim national security strategic guidance ni US President Joe Biden.

Kauna-unahang pagkakataon itong nangyari simula noong 1996 kung saan napapasama dati ang Pilipinas bilang strategic alliance ng US.

Nakapaloob sa dokumento kung paano i-engage ng Estados Unidos ang buong mundo para iparating ang mensaheng “America is back, diplomacy is back, and alliances are back.”

Nabanggit din sa dokumentong may titulong “Renewing America’s Advantages” ang ang bantang dala ng pagiging assertive ng China.

Dito nangako si Biden na paigtingin at pag-ibayuhin pa ng US ang alyansa at partnership nito sa Australia, Japan at Republic of Korea na kanyang tinawag na “America’s greatest strategic asset.”

-- Advertisement --

Nabanggit din ang pagpapalalim sa partnership nito sa India, New Zealand, gayundin sa Singapore, Vietnam at iba pang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para isulong ang shared objectives.

Bagama’t miyembro ang Pilipinas sa ASEAN, hindi ito partikular na nabanggit sa 24 pahinang dokumento sa konteksto ng treaty alliance sa US.

Noong Pebrero ng nakaraang taon, nagbigay abiso si Pangulong Rodrigo Duterte sa US para simulan ang proseso ng kanselasyon o pagpapawalang-bisa na ng Visiting Forcers Agreement (VFA) na siyang nagpapatupad sa Mutual Defense Treaty ng pinasok ng dalawang bansa noong 1951.