Trump Pence white house
US President Donald Trump

Nagdeklara na si US President Donald Trump ng “national emergency” dahil sa coronavirus pandemic.

Dahil sa deklarasyon magagamit na ng gobyerno ang inilaang $50 billion na national emergency fund na malaking tulong para sa mga estado at territories laban sa pagkalat pa nang nasabing virus.

Hinikayat din nito ang iba’t ibang estado na maglagay kaagad ng emergency operations centers.

Ayon kay Trump, hindi siya sang-ayon na ang mga kababayan ay magpasuri lahat at tanging ang mga may sintomas lamang ng COVID-19 ang magiging prayoridad sa pagpapasuri ng coronavirus.

Inanunsiyo din nito na ang mga private labs at vaccine developers ay maaari ng magbigay ng limang milyong coronavirus test sa loob ng isang buwan.

Maglalagay din sila ng drive-through testing sites para maging mabilis na ma-access ng mga tao ang coronavirus test gaya ng ipinapatupad ng ibang bansa.

“We’ll remove or eliminate every obstacle necessary to deliver our people the care that they need and that they’re entitled to,” ani President Trump.

Samantala, posible rin aniyang palawigin pa niya ang travel ban sa United Kingdom para hindi na kumalat pa ang nasabing virus.

Nilinaw naman ng Presidente na wala itong nararamdamang sintomas ng virus matapos na makipagpulong sa mga opisyal ng Brazil noong nakaraang araw subalit handa itong magpasuri para matiyak na hindi ito nadapuan ng deadly virus.

Inatasan naman ni Trump ang Department of Energy na bumili ng malaking halaga ng crude oil para sa strategic reserves ng US matapos na bumulusok ang presyo ng langis sa buong mundo.