Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng National Council Against Child Labor.

Nakapaloob sa Executive Order 92 na nilagdaan ni Pangulong Duterte na layunin nitong maprotektahan ang mga kabataan mula sa pang-aabusong pisikal, spiritwal, moral, intellectual at social-well being.

Batay sa EO 92, itatalaga bilang chairperson ng NCACL ang Labor Secretary habang tatayong co-chairperson dito ang Social Welfare and Development Secretary.

Kabilang sa mga kapangyarihan at mandato ng NCACL ay tiyaking naipapatupad ng maayos ang Republic Act 7610 o batas na nangangalaga sa mga kabataan at mga kababaihan.

Inaatasan din ng kautusan ang NCACL na i-monitor ang mga kasong isinampa laban sa ilang indibidwal, esblishment o grupo na sinasabing lumabag sa mga probisyon ng batas na may kaugnayan sa Child Labor.

Nabigyan din ng mandato ang NCACL na mag-report sa Pangulo dalawang beses sa isang taon para iprisinta ang nagawang mga programa para maiwasan at masawata ang Child Labor sa bansa.