Reading Time: 1 minute

Nasa isang kilong brick ng hinihinalaang cocaine na nagkakahalaga ng P5.3 million ang narekober ng isang mangingisda sa karagatan ng Barangay Langil, Mohamad Ajul sa Basilan.

Sa report ng Philippine National Police-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Kampo Krame, alas-8:00 ng umaga kahapon narekober ang nasabing brick.

Kaagad naman ini-report ng mangingisda sa mga otoridad ang bagay na nakabalot pa sa cellophane tape habang palutang-lutang sa dagat.

Nirespondehan ito sa pinangunguna ng Lamitan Police Station kung saan tumambad ang isang brick ng cocaine.

Sa ngayon ay nai-turnover na sa Philippine Drug Enforcement Agency ang natagpuang brick ng cocaine at iniimbestigahan na rin kung saan ito posibleng nagmula.