Binabalak ni National Police Commission (Napolcom) Vice Chairman at Executive Officer Vitaliano Aguirre II na tanggalan ng kakayahan ang mga alkalde at gobernador na mamili kung sino ang magiging police chiefs ng kanilang nasasakupan.

Ito ay upang mailayo raw ang Philippine National Police (PNP) mula sa pulitika.

-- Advertisement --

Maituturing aniyang political pressure sa mga pulis ang kasalukuyang sistema na nagbibigay ng otoridad sa mga alkalde at gobernador na pumili ng police officials na magiging chief of police, city director at provincial director sa kanilang lugar.

Ayon kay Aguirre, hindi magandang ehemplo ang ganito para sa PNP dahil posibleng maging daan umano ito upang maging sycophants ang mga opisyal ng otoridad.

Matagal nang nananawagan ang PNP na ibasura ang patakaran na magbibigay ng kapangyarihan sa mga mayors at governors na mamili ng kanilang police chief dahil nagiging dahilan ito ng korapsyon.

Bukod dito ay nakokompromiso rin aniya ang serbisyo publiko dahil maaaring maging private armies ng mga nakaupong mayors at governors ang mga local police force.

Base sa patakaran, kailangang mag-submit ang PNP ng tatlong pangalan ng police officials bilang nominees sa nasabing mga posisyon.

Gayunman, posibleng may bahid na rin ito ng korapsyon dahil ang ibang aspiring police officials ay naghahanap ng kanilang backers mula sa mga influential groups o personalities. Bunsod na rin ito ng pangako ng mga alkalde at gobernador na sila ang pipiliin kung mapapasama ang kanilang pangalan sa shortlist.