Nangyaring power crisis sa Siquijor, tinawag na ‘economic sabotage’; Isang opisyal ng lalawigan, umaasang sa pamamagitan ng Star Fm ay maipaabot sa pamilya Villar ang panawagan na agarang aksyon sa problema
Tinawag ngayon ni Gov. Jake Villa na ‘economic sabotage’ ang nararanasang power crisis sa lalawigan ng Siquijor na nakaapekto sa mga negosyo at nakagambala sa lifeline services.
Punto pa ni Villa na ang ilang mga lugar ay tumatanggap lamang ng halos dalawang oras na kuryente kada araw na isang seryosong banta sa ekonomiya.
Aniya, gumawa na sila ng mga hakbang upang matugunan ang power crisis at maprotektahan ang mga pangunahing sektor tulad ng turismo.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Siquijor Board Member Brylle Deeiah Tumarong-Quio, ibinahagi nito na nakaranas sila ng serye ng power outages matapos ang May 2025 elections.
Tinawag pa niyang ‘worst year’ ang nangyari ngayon sa lalawigan at maswerte na umano kung mayroong kuryente sa loob ng 2 hanggang tatlong oras.
Umaasa pa si Board Member Deeiah na sa pamamagitan ng Star Fm ay maipaabot kina Senator Mark Villar at Senator-elect Camille Villar ang kanilang panawagan na tulong para sa agarang aksyon sa kinakaharap na problema ng lalawigan.
May impormasyon kasi umano sila na ang Siquijor Power Corporation (SIPCOR) ay pagmamay-ari ng pamilya Villar.
Samantala, binigyang-linaw pa nito na hindi ayuda ang kanilang prayoridad sa paggastos ng Quick Response Fund (QRF) dahil ilalaan ito para sa ibang power supply.
Pagtitiyak pa nito sa mga Siquijodnon na gumawa ng decisive decision-making ang konseho sa paglalaan at paggamit ng pondo para sa short at long term plans kasunod ng pagdeklara ng state of calamity at para hindi na pahabain pa ang paghihirap ng Siquijodnon.