TACLOBAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang bilanggo na nakatakas sa Allen Sub Provincial Jail, Barangay Sabang 1, Northern Samar.

Una nang kinilala ang pugante na si Aljon Cardenas, miyembro ng rebeldeng grupo at pinaniniwalaang dating criminology student sa University of Eastern Philippines.

Naaresto siya noong nangyaring pang-atake ng aabot sa 50 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Victoria Northern Samar Municipal Police Station na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong rebelde at dalawang pulis naman ang sugatan.

Ayon kay Pol. B/Gen. Dionardo Carlos, regional director ng Police Regional Office 8, mas pinahigpit ang kanilang operasyon upang maibalik sa kulungan ang preso.

Dagdag pa nito, nakatakas ang suspek sa pamamagitan ng pag-akyat at pagtalon sa anim na metrong pader sa nasabing jail facility.

Nabatid na si Cardenas ay nahaharap sa kasong robbery with homicide at illegal possession of firearms and ammunition kaugnay sa pagsalakay nila sa istasyon ng mga kapulisan sa bayan ng Victoria.