CEBU CITY – Aabot sa P2.4-milyon ang danyos sa nangyaring sunog sa bahagi ng Sitio Tarnate at Sitio Bayabas ng Brgy. Ibabao-Estancia, lungsod ng Mandaue, Cebu.

Nakarating sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang impormasyon pasado alas-11:00 nitong Sabado ng umaga kung saan itinaas ito sa Task Force Alpha makalipas ang isang oras, at tuluyang naapula dakong alas-2:00 na ng hapon.

Nilamon ng apoy ang mahigit 300 na mga bahay kung saan 13 sa mga ito ang partially damaged.

Ayon sa fire investigator na si SFO1 Jade Roble ng Mandaue City BFP, under investigation pa ang sanhi ng sunog.

Base naman sa salaysay ng mga nasunugan, isang butane umano ang sumabog ngunit may nagsabi rin na isang bata na naglalaro umano ng posporo ang dahilan.

Wala namang naiulat na namatay sa nangyaring sunog ngunit may isang natalang injured na kinilalang si Yogi Arquiza na nagtamo ng first degree burn sa kanyang kaliwang braso.

Inilikas naman ang mga nasunugan sa Barangay Ibabao-Estancia Gym kung saan nagsagawa na ng final listing.

Bumisita na rin si Mandaue City Mayor Jonas Cortes sa mga nabiktima ng sunog at nagbigay ng cash assistance.

Samantala, tiniyak naman ni Brgy. Ibabao-Estancia Kapitan Romulo Echavez na mabibigyan agad ng tulong ang kanyang mga nasasakupan at pangako nitong magsagawa sila ng reblocking bagay na isa rin sa nakita niyang solusyon para maiwasan ang mga pangyayaring katulad na lang ng sunog.