-- ADVERTISEMENT --

NAGA CITY- Posibleng ang kinikimkim na galit ng suspek sa mga kapulisan ang dahilan nang pamamaril-patay nito sa dalawang pulis sa Naga City.

Mababatid na una nang kinilala ang mga biktima na sina PCMSGT Romeo Padua ng Police Station 1 at PCpl Christian Juarez Del Valle ng Police Station 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMS Toby Bongon, ang tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nito na dati na kasing labas-pasok sa bilibid ang suspek dahil sa iba’t-ibang kaso kabilang na ang pagnanakaw.

Sa katunayan aniya, noong taong 2016 nang nakasaksak ang suspek at nakulong sa Muntinlupa District Jail subalit nakalaya makalipas ang halos dalawang taon dahil umano sa probation.

Kaugnay nito, posibleng hindi target ng suspek sina Padua at Del Valle, ngunit dahil baka nakauniporme ito nang makita ng suspek, ito ang nag-udyok para barilin ang dalawang pulis.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Bongon, maaring lulong sa droga ang suspek nang gawin ang nasabing krimen.

Mababatid na napatay din sa insidente ang suspek matapos na manlaban sa mga awtoridad.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Samantala, nagluluksa naman ang buong hepatura ng NCPO sa pagkasawi ng kabarong nasawi.