NAGA CITY – Nagpapatuloy ngayon ang imbestgasyon ng mga otoridad matapos matagpuan ang isang menor de edad na pinaniniwalaang ginahasa sa madamong bahagi ng Barangay Lubgan, Bula, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Cpl. Cecilio Buendia, Jr., tagapagsalita ng PNP-Bula, ayon aniya sa ina ni alyas Nene, 12-anyos, pasado alas-3 ng madaling araw noong Pebrero 24, nang mawala ang biktima sa kanilang bahay.

Ayon kay Buendia, pinaniniwalaang dinukot ang biktima kung kaya agad silang nagsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pangyayari.

Nang araw ding ‘yon aniya nang matagpuan ang biktima sa madamong bahagi ng naturang Barangay, hubo’t hubad at nakagapos sa punong kahoy gamit ang mismong underwear nito.

Sa kasalukuyan, dalawa katao ang itinuturing ng pulisya na salarin sa krimen.

Napag-alamang wala namang ibang nakakasalamuha ang biktima maliban sa kaniyang mga kapatid dahil bihira itong lumabas ng bahay.

Paalala na lamang ngayon ng PNP sa mga magulang na bantayan ng maayos ang kanilang mga anak.