-- ADVERTISEMENT --

NAGA CITY – Patay ang isang magsasaka habang sugatan naman ang kaniyang pamangkin matapos makuryente sa Mulanay, Quezon.

Kinilala ang namatay na biktima na si Edwin Pereyra, 45-anyos at ang sugatan na si Angelo Gacula, 21-anyos, kapwa residente ng nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang may bitbit na steel plow si Pereyra para mag-cultivate ng kaniyang sakahan, nang aksidente nitong mahawakan ang electric wire na nakalaylay sa naturang lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na sinubukan sanang tulungan ng kaniyang pamangkin ang biktima ngunit nagresulta lamang ito sa pagkakakuryente ng dalawa.

Dahil sa pangyayari, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit sa kasamaang palad ay idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Pereyra.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.