-- ADVERTISEMENT --

NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki sa pananaga sa Sitio Pagdiwitan, Barangay Toytoy, Garchitorena, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Wilson Fernandez, 44-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang nasa loob ng kanilang bahay si Fernandez nang bigla na lamang dumating ang nakainom na suspek na si Eddie Rosales, 36-anyos at may dala pang bolo.

Dito na sinubukan na tagain ni Rosales ang biktima, dahilan upang kunin naman ng biktima ang kanyang improvised gun na tinatawag na de jolen at pinaputukan ang suspek.

Dahil dito, tinamaan sa mukha ang suspek dahilan upang mawalan ito ng malay.

-- ADVERTISEMENT --

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nang magkamalay na ulit si Rosales, pumasok pa ito sa bahay ni Fernandez at muli itong pinagtataga dahilan upang magtamo ng sugat sa kanyang kaliwang balikat ang biktima.

Nagawa pang makaganti ng biktima at tinaga naman sa ulo ang suspek.

Dahil dito, kapwa nagtamo ang biktima at ang suspek ng mga sugat na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad an suspek habang hinahanda naman ang kasong isasampa laban sa nasabing suspek.