NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Iriga City.
Kinilala ang biktima na si Charlie Llagas, 40-anyos, residente ng Masoli, Bato, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima at nagkakaroon ng mainit na diskusyon sa kaniyang live-in partner ng bigla na lamang mangialam ang suspek na kinilalang si Juan Romeo Ramil Hugo, 53-anyos, retired BFP Personnel at isang radio announcer, residente ng Zone 3A, La Opinion, Nabua sa nasabing lalawigan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, hinamon umano ng suspek ang biktima na lumabas sa kanilang bahay at silang dalawa ang maghaharap.
Dahil dito, agad na lumabas si Llagas na mayroong bitbit na patalim upang komprontahon si Hugo ngunit bigla na lamang itong pinagbabaril ng suspek.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang isinugod sa ospital para sa asistensiya medikal.
Samantala, nakuha naman sa pinangyarihan ng insidente ang caliber 45 na baril, mga bala, at isang patalim.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.