-- ADVERTISEMENT --

NAGA CITY – Patay ang isang barangay Kapitan matapos pagbabarilin sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Benedicto Alcaide Robo, 62-anyos, residente ng Brgy Guis-Guis, San Roque sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa labas ng basketball court ang biktima nang bigla na lamang dumating ang suspek na kinilalang si Marvin Flores, residente ng Brgy. Biagnay 2 sa nasabi ring bayan, at bigla na lamang itong pinagbabaril.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman pa na dahil sa insidente, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan si Robo na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Ngunit sa kasamaang palad ay binawian din ng buhay ang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, agad namang tumakas ang suspek matapos ang nasabing insidente.

Kaugnay nito, napag-alaman pa ng mga kapulisan na bago ang pangyayari nagkaroon na ng mainit na diskusyon sa pagitan ng suspek at ng biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawan imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng nasabing suspek.