NAGA CITY- Patay ang isang binata matapos na mabaril ng isang security guard dahil sa tangkang pagnanakaw sa isang junkshop sa Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang suspek na isang 18-anyos na lalaki at residente ng Brgy. Anayan, sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Joffrey M. Todeño, Officer-In-Charge ng Pili Municipal Police Station, sinabi nito na tinangka umano ng suspek kasama ang dalawa pang indibidwal na magnakaw ng tanso sa isang junkshop nang makita naman ang mga ito ng nagbabantay na security guard na kinilalang si Daniel Villaluna, residente ng Minalabac sa nasabing lalawigan at agad naman na pinaputukan ang mga ito.
Ayon sa naging salaysay ni Villaluna, armado ng baril ang mga suspek kung kaya inunahan na umano nitong paputukan ang nasabing binata dahil sa takot sa sariling kaligtasan.
Dahil sa pangyayari, dead-on-the spot ang suspek habang tumakbo naman ang dalawa pa nitong kasamahan.
Samantala, kaugnay sa pamamaril ng secuirty guard, wala umanong pananagutan si Villaluna dahil sa legal na pananaw ng mga kapulisan mayroong banta sa kanyang buhay at armado din ng baril ang suspek.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pili Municipal Police Station gayundin ang paghahanap sa posibleng kinaroroonan ng dalawa pang suspek na agad tumakas sa lugar.