-- ADVERTISEMENT --

NAGA CITY – Patay ang dalawang pulis ng Naga City Police Office (NCPO) matapos pagbabarilin ng isang lalaki sa nasabing lungsod. Kinilala ang mga biktima na sina PCMsgt. Romeo Padua ng Police Station 1 at PCpl. Christian Juarez Del Valle ng Police Station 5.

Sa naging pagharap ni PCol. Marlon Catan, City Director ng NCPO sa mga kagawad ng media, sinabi nito na habang pauwi na si Padua sa kanilang bahay mula sa duty nang madaanan ito ng suspek na kinilalang si Jerico Cano, 33-anyos, residente ng Sabang, Naga City, at dito na ito pinagpapapalo sa ulo gamit ang dalang tubo na naging dahilan para mawalan ng malay ang biktima.

Pagkatapos nito ay agad na kinuha ng suspek ang baril ni Padua at ito rin ang ginamit nito sa pambabaril sa biktima.

Aniya, pagkatapos nito ay naglakad pa ang suspek na tila walang nangyari at nang madaanan naman nito si Del Valle sa bahagi ng Brgy, Tabuco sa nasabing lungsod, ay pinaputukan pa ito sa ulo.

Ayon pa dito, nakauwi pa nang kanilang bahay ang suspek at dito na ito inabutan ng mga rumespondeng pulis.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit sa kalagitnaan ng hot pursuit operation, ay nakipagpalitan pa ng putok sa mga otoridad si Cano na nagresulta rin sa pagkamatay nito.

Sinabi pa ni Catan na pawang lulong sa droga ang naturang suspek.

Ngunit una rito, nabatid din na kasali sa Drug Watchlist ng barangay ang nasabing suspek at labas-pasok na rin umano ito sa kulungan dahil sa iba’t-ibang kaso kasama na ang pagkakasangkot sa iligal na droga.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.