-- ADVERTISEMENT --

NAGA CITY – Patay ang isang motorcycle driver at backrider nito habang sugatan naman ang isa pa matapos na masanggi ng isang motorsiklo ang isa pang motorsiklo sa Brgy. Bikal, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Jose Villaraza, 31-anyos, driver ng motor at ang backrider nitong si Roger Pedres, parehas residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang pauwi sa bahay nito si Larry Aguja, 60-anyos, ng aksidente itong masanggi ng kasabayan nitong motorsiklo.

Dahil sa nasabing insidente, nawalan ng kontrol sa minamaneho nitong motor si Villaraza at tuluyang nakabangga sa konkretong waiting shed sa gilid ng kalsada.

Dahil sa nasabing insidente nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang driver at ang backrider na si Pedres.

-- ADVERTISEMENT --

Agad naman silang dinala sa ospital ngunit ideklara rin na dead on arrival ng mga doktor si Villaraza habang tuluyan namang binawian ng buhay si Pedres habang ginagamot sa ospital.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.