NAGA CITY- Patay ang isang lending collector matapos pagbabarilin sa Barangay Balao Balite, Tinambac, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Reymart Sergio, 26-anyos residente ng Sitio Gogon, Dugcal, Camaligan sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Dominic Borigas, Acting Chief of Police kan Tinambac Municipal Police Station, sinabi nito na habang binabaybay ng biktima ang nasabing lugar nang biglang tambangan ito ng mga suspek at dito na pinagbabaril.

Ayon kay Borigas, dahil sa insidente, nagtamo ng limang tama ng bala ng baril ang biktima na naging dahilan naman ng agaran nitong kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na tinatayang aabot sa mahigit P10,000 ang halaga ng pera at kagamitan na natangay ng mga suspek.

Ayon kay Borigas, may lead na rin ang mga awtoridad hinggil sa posibleng pagkakatunton ng tatlong suspek sa krimen.

Samantala, isasailalim na rin sa otopsiya ang bangkay ng biktima gayundin ang eksaminasyon sa narekober na limang piraso ng empty shell na caliber 35 na badil sa pinangyarihan ng insidente.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operation sa mga nakatakas na suspek para sa kaukulang disposisyon.