-- ADVERTISEMENT --

NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. San Andres, Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Glen Rodelas, 29-anyos, residente ng Brgy. Malabahay, Macalelon, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang Candelaria Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen hinggil sa nasabing insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na habang naglalakad-lakad ang biktima sa nasabing lugar ng bigla na lamang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito, na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

-- ADVERTISEMENT --

Narekober rin sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang fired cartridge cases ng caliber .45 na baril.

Samantala, agad naman na tumakas ang suspek matapos na isagawa ang nasabing krimen dala-dala ang ginamit nitong baril sa pamamaril.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng nasabing suspek.