May mga hakbang nang ginagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maiwasan ang doble-dobleng government subsidy na naipagkakaloob sa ilang benepisaryo.

Ayon kay DSWD Usec. Rene Glen Paje sa panayam ng Bombo Radyo, mas madali nang bantayan ang distribusyon dahil ilang lugar na lang ang pinaglalaanan ng second tranche ng social amelioration program (SAP).

Kabilang dito ang Benguet, Pangasinan, Region III (maliban sa Aurora), Albay, Iloilo, Bacolod City, Cebu, Zamboanga City at Davao City.

Habang ang mga lugar na pinayagan nang makabalik sa trabaho ang mga mamamayan ay hindi na kasali sa panibagong buhos ng tulong.

Patuloy naman ang apela ni Paje sa mga nakatanggap ng dobleng tulong na isauli ito.

Kailangan ding humingi ng resibo sa tanggapang pagbabalikan ng pera, para may patunay na nai-turn over ang nasabing ayuda.