GENERAL SANTOS CITY – Sasampahan ng kaso ang tatlong sangkot umano sa isang investment scam sa General Santos City, Sarangani.

Kinilala ang mga itong sina Delia Calambro, 47; Rolly Sinang Cual, 52; at Anthony Maligad Delicana, 55.

Ayon kay police Staff Sgt. Roger Pamonag ng Bula Police Station, nabatid na patuloy pa rin ang pagtanggap ng mga ito ng pera, gayundin ang panghihimok sa mga bagong miyembro ng Munificence Ministry.

Kabilang ang naturang investment group sa listahan ng itinuturing na iligal ng Securities and Exchange Commission dahil walang permit to operate.

Nakuha mula sa tatlo ang pitong cellphone, isang tablet, iba’t-ibang ID at mga dokumento, kasama ang “boodle money” at P78,500 cash.

Kasong swindling at estafa ang ihahain ng pulisya laban sa tatlo.

Una ng kinasuhan ang iba pang miyembro ng iba’t-ibang investment groups sa siyudad na sina Aileen Manahan (AKMA Community Solutions, Inc.); Bonifacio Umambac, at Lourdes Ceria.