Nakahanda nang magpadala ang Chinese government ng investigation team sa Hubei kasunod ng pagkamatay ng doktor na unang nagsiwalat tungkol sa Wuhan coronavirus.

Sinabi ng National Supervisory Commission na ang grupo ay magsasagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa likod ng pagkamatay ng opthalmologist na si Li Wengliang.

Bumuhos ang galit na mga Chinese nationals sa social media platform na Weibo hinggil sa dahilan kung bakit pinigilan ng mga otoridad si Li matapos nitong ipaalam sa kaniyang mga kasamahan ang tungkol sa sakit.

Kinumpirma ng Wuhan Central Hospital na namatay na sa edad na 34 ang opthalmologist na si Li Wenliang na dinapuan din ng turang sakit.

Una nang itinanggi nasabing ospital ang balitang patay na ang doktor at sinabing nasa kritikal lamang itong kondisyon.

Si Li ay isa sa walong doktor na pinagalitan ng mga otoridad sa Wuhan na itigil ang pagkakalat ng maling balita tungkol sa sakit.

Dahil sa impormasyon na isiniwalat ni Li, sari-saring akusasyon ang hinarap ng China dahil sa di-umano’y pagtatago nila sa tungkol sa coronavirus.

Pinilit din ang doktor na pumirma ng isang kasunduan kung saan inaamin umano nito na sinusubukan lamang niyang guluhin ang gobyerno at tinakot pa na maaari itong humarap sa kasong kriminal.

Sinigurado naman ni Chinese President Xi Jinping ang kaniyang mamamayan na gagawing ng China ang lahat ng kanilang makakaya upang puksain ang nCoV.