Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11371 o Murang Kuryente Act.

Layunin ng bagong batas na mabawasan ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng paglalaan ng net government share mula sa Malampaya Fund para ipambayad sa utang ng National Power Corporation (NAPOCOR).

Ito kasi ang ikinakarga sa buwanang electric bill ng mga konsumer.

Nakapaloob din sa batas na gagamitin ang P208-billion ng Malampaya fund para bayaran ang tinatawag na “stranded contract costs” at “stranded debt ng NAPOCOR.”

Ang stranded contract costs ay ang contracted cost ng elektrisidad ng NAPOCOR sa independent power producers (IPPs).

Ang stranded debts naman ay ang hindi nabayarang financial obligations nang isapribado ang NAPOCOR assets.

Tinatayang aabot sa halos P200 ang mababawas sa buwanang bill ng mga konsumer na kumukonsumo ng 200 kilowatt hour.

Nakasaad din sa Murang Kuryente Act na gagamitin ang ibang bahagi ng pondo para sa exploration, development at exploitation ng iba pang energy resources.

Ang Department of Budget and Management (DBM) ang mangangasiwa sa pagpapalabas ng nasabing pondo.

Tinatayang aabot sa 16 milyong household o kabahayan ang makikinabang sa bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Agosto 8.