KALIBO, Aklan—Hindi na nakaabot ng buhay sa Aklan Provincial Hospital ang isang motorista matapos bumangga sa pader ng bahay ang minamanehong motorsiklo sa Barangay Poblacion, Numancia, Aklan.

Kinilala ni P/Staff Sgt. Felizardo Navarra ng Numancia Police Station ang biktimang si Wemel Pateño, 20, tubong Pandan, Antique ngunit kasalukuyang naninirahan sa Barangay Silakat Nonok, Lezo, Aklan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang pagpapatakbo ng biktima kung saan, pagdating sa pakurbang kalsada ay hindi nito napansin ang pader ng isang bahay kaya’t kaniya itong binangga.

Kaugnay nito, tumilapon ang driver at nagtamo ng fatal na tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.