LA UNION – Isang Motorcycle Shop collector ang nagsabing biktima ng pangho-holdap sa kahabaan ng Barangay Canaoay dito sa syudad ng San Fernando, La Union bandang 1:30 ng hapon.

Ang biktima umano ay nakilalang si Hadjid Barrientos, 24, taga Lioac Norte, Naguilian, La Union.

Base sa kuwento nito sa Bombo Radyo La Union, maniningil sana sa dalawa nilang customer sa nasabing lugar, ngunit bigla na lamang umanong hinoldap ng isang lalaki na naka-motorsiklo, naka-helmet at naka-takip pa ng mukha.

Ayon kay Barrientos, huminto siya sa lilim ng isang puno para tawagan umano sa cellphone ang mga customer ngunit bigla din umanong dumating at huminto ang suspek, sabay tutok sa kanya ang isang baril at sinabing ‘holdap’.

Natakot umano ang biktima kaya’t ibinigay na lamang niya ang dalang bag na naglalaman ng koleksiyon nito na aabot sa P8,000 kabilang umano ang sariling pera nito, IDs at iba pang dokumento.

-- Advertisement --

Bago umano nagreport sa mga otoridad, tinangka ng biktima na sundan ang tumakas na suspek ngunit hindi rin nito naabutan.