ILOILO CITY – Nakahanda ang MORE Electric and Power Corporation (MORE Power) na harapin ang posibleng imbestigasyon na gagawin ng Kamara kaugnay sa distribusyon ng elektrisidad sa lungsod ng Iloilo.

Ito ang kasunod ng Resolution 785 na isinulong ni Ako Bisaya party-list Representative Sonny Lagon na humihinging imbestigahan ang power distribution sa lungsod ng Iloilo dahil umano sa kakulangan ng pasilidad ng MORE Power at sa “legal battle” nito laban sa Panay Electric Company (PECO).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Roel Castro, presidente ng MORE Power, sinabi nito na ang sunod-sunod na scheduled brown-out partikular na ang 13-hour power interruption sa distrito ng Jaro noong Linggo, Mayo 17 ay bunga umano ng malawakang preventive maintenance ng kumpaniya upang maiwasan ang mas marami pa na power interruption sa lungsod.

Tinawag naman ni Castro na “bulok” ang sistema ng PECO pati na ang substations at mga linya kung kaya kailangan na i-modernize ang pasilidad.

Dumipensa naman si Castro na isang linggo bago naganap ang power interruption, naging malawakan ang ginawang advisory sa mga residente.

Naniniwala naman si Castro na wala nang iba pang tao na sa likod ng isyu kundi ang mga bumubuo ng PECO.