Royina Garma1

Pinaplantsa na raw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang kanilang plano para maiwasan ang dikitan sa kanilang mga outlets sakaling magbabalik na sa kanilang mga operasyon.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, inihahanda na nila ang mobile application at automated betting machines para ma-minimize ang face to face interaction sa mga mananaya.

Aniya, board approval na lamang ang kailanga sa kanilang plano.

Sumulat na rin daw sila sa Office of the President para magpaalam kung kailan sila magpapatuloy ng kanilang operasyon.

Una rito, kinumpirma ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na muling babalik sa P20 na presyo ang lotto ticket sa oras na muling payagang magbukas ang mga gaming operations.

Mula kasi sa kasalukuyang presyo nito na P24 pesos ay ibabalik na ito sa P20.

Dahil sa banta ng COVID-19 ay napilitang tumigil sa operasyon ang gaming operation ng PCSO simula Marso dahilan upang malugi ito ng halos P13 billion.

Binawasan na rin ng ahensya ang mga requirement para makapag-franchise ng lotto outlet business bilang hakbang upang hikayatin ang mga negosyante na mag-invest sa lottery.

Sinabi ni Garma na babaguhin din ng ahensya ang kanilang patakaran sa pagbibigay ng consolation prizes. Hindi na raw hahatiin sa mga nanalo ang consolation prize bagkus ay ibibigay ito ng buo sa bawat isa.

Dagdag pa nito na umapela ang PCSO sa Inter-Agency Task Force na payagang bumalik sa operasyon ang kanilang mga lotto outlets.