Nagsampa na ng reklamo sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP-ACG) si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago laban sa administrator ng isang Facebook page na nagpapakalat umano ng fake news.

Personal na nagtungo sa Camp Crame ang opisyal para isampa ang reklamo at isumite ang kaniyang complaint affidavit.

Ayon kay Pialago wala namang problema kung babatuhin ng batikos ng publiko ang MMDA sa social media, pero hindi umano patas kung aabot na raw ito sa pagpapakalat ng fake news.

Partikular na tinukoy ni Pialago ang post ng Pinoy Laugh FB Page na may katagang “MMDA sa Commuters: Kung nahihirapan sumakay, wag nalang pumasok.”

Lumabas ang nasabing post makaraang masunog ang substations ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 na nagdulot ng kalbaryo sa mga commuter. Ayon kay Pialago ang nasabing post ay malisyoso.

Siniguro naman ni PNP ACG chief Cyber Response Unit police Col.Ramon Roque Gamboa na iimbestigahan nila ang nasabing reklamo.

Payo naman ng tanggapan maging metikuloso ang mga netizen sa pag share ng mga hindi kumpirmadong impormasyon.