TUGUEGARAO CITY – Nauwi sa pananaksak at pagpatay sa isang 45-anyos na misis ang pag-aaway nila ng kanyang asawa dahil sa pera sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Palawig, Sta. Ana, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT. Joel Labasan, deputy Chief of Police ng PNP-Sta Ana na nagtamo ng isang saksak ng screw driver sa kanyang lalamunan at agad na namatay ang biktimang si Susan Umbay.

Boluntaryo namang sumuko ang suspek na si Reynold Umbay na labis aniya ang pagsisi sa pagpatay sa asawa.

Ayon kay Labasan, umuwing lasing galing sa lamay ang suspek at nakipagtalo sa kanyang misis nang tumangging magbigay sa hinihinging pera dakong 12:15 ng madaling araw nitong Lunes (March 9).

Natagpuan naman ng 19-anyos na anak ang bangkay ng kanyang ina na naliligo sa sarili niyang dugo sa kusina matapos naulinigan ang pagtatalo ng kanyang mga magulang.

Kasong parricide ang isinampa laban sa suspek.