Nangako ang mining company na nasa sentro ng landslide sa bayan ng Maco sa Davao de Oro na magbibigay ito ng tulong at buong kooperasyon sa mga awtoridad.
Ayon sa Apex Mining Co. Inc, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalan at iba pang mga volunteer mula sa mining industry.
Sinabi din ni Luis Sarmiento, Presidente at CEO ng Apex Mining na lubhang nalulungkot ang kompaniya sa nangyaring trahediya at nakikisimpatiya sa paghihinagpis ng mga pamilya ng mga nawawala at nasawi sa landslide.
Ayon pa kay Sarmiento, kasalukuyang nakatutok ang manpower at resources ng mining company sa buong pagsuporta sa pamahalaang panlalawigan gayundin ng relief operations.
Nagbibigay din sila food packs, maiinom na tubig at medical services sa mga apektadong komunidad.
Nakikipagugnayan na rin ang kompaniya sa DSWD para sa posibleng deployment ng mga eksperto para mangasiwa sa psycho-social trauma sa pamamagitan ng counseling ng mga nangangailangan nito.
Matatandaan na noong Pebrero 6 nangyari ang landslide na kumitil na sa 27 katao at may ilang indibdiwal pa ang nawawala kabilang na ang ilang empleyado ng Apex mining. Una ng pinabulaanan ang akusasyon ng ilang environmental group sa naturang mining company na siyang responsable umano sa nangyaring landslide dahil sa ginagawang pagmimina sa naturang lugar kung saan nanindigan ang kompaniya na nangyari ito sa labas ng mining area.