Reading Time: 1 minute

Nakaalerto ngayon ang militar sa Western Mindanao, partikular sa area ng probinsiya ng Sulu at Tawi-Tawi, kasunod ng panibagong insidente ng pagdukot sa 10 Malaysians sa karagatan ng Sabah.

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, kanya nang ipinag-utos sa militar sa Mindanao na palakasin ang intelligence gathering at tiyaking hindi makakapasok sa teritoryo ng bansa ang mga kidnappers bitbit ang kanilang mga bihag.

Sinabi ng kalihim, batay sa kaniyang nakuhang impormasyon, bumibiyahe ang mga mangingisdang Malaysian sakay ng barko nang sila ay dukutin sa may Lahad Datu sa Sabah.

“Unfortunately yung mga kidnapping na yun nangyayari dun sa may side ng Sabah, ang masama lang dun dinadala nila sa Jolo kaya parang tayo ang last touch dun e, dahil meron silang contact dun, as per information I got yesterday or the other day, there are about 10 Malaysians kidnapped in Lahad Datu and they are on the way daw to Tawi Tawi and Jolo,” pahayag ni Lorenzana.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command Spokesperson Col. Gerry Besana, kanyang sinabi na hindi tumitigil ang kanilang intelligence group sa pagkuha ng impormasyon at pag-validate sa nasabing report.

Pero hanggang sa ngayonn negatibo pa rin ang nasabing ulat.

Sinabi ni Besana, hindi pa nila makumpirma kung ang Abu Sayyaf o ang grupo ng Sabah based terror group na pinamumunuan umano ng isang Mame ang maaring dumukot sa 10 bihag.

Dagdag pa ni Besana nakipag-ugnayan na sila sa kanilang Malaysian counterpart pero hanggang sa ngayon wala pa ring tugon.

Kalimitan kasi kapag may nangyayaring pagdukot sa Sabah Malaysia, itinuturo na lang palagi ay ang ASG.

Tiniyak naman ng militar na kanilang sisiguraduhin na ma neutralized ang mga kidnappers.

Halos dalawang taon na sa ngayon na walang naitalang pagdukot sa karagatan lalo na sa southern part ng Mindanao.